Umaabot sa P28 million o nasa $500,000 halaga ng humanitarian supplies at logistical support ang ibinigay ng Estados Unidos sa Pilipinas para duon sa mga kababayan natin na lubhang naapektuhan ng Bagyong Julian.
Ang nasabing tulong ay pangungunahan ng United States Agency for International Development (USAID) na siyang magbibigya ng emergency shelter, tubig, sanitation at hygiene support.
Nasa 4,000 pamilya o nasa 16,000 katao ang mabibigyan ng tulong mula sa Amerika.
Ayon sa US Embassy dito sa Pilipinas, simula October 7, ang US Department of Defense ay nag mobilized na ng military assets para magbigay ng logistical support sa Armed Forces of the Philippines at sa mga tauhan ng Office of the Civil Defense sa pag transport ng mga humanitarian supplies mula Manila patungong Batanes.
Siniguro naman ni US Ambassador Marykay Carlson ang tulong ng Amerika sa mga nasalanta ng bagyong Julian.
Aniya sa ngayon nakikipag ugnayan ang US sa mga kaibigan nilang mga Pinoy at mga partners para tumulong sa pamamahagi ng humanitarian aid.
Ipinagmalaki naman ng US na simula 2010 umabot na sa P21.8 Billion o katumbas ng $388 million ang kanilang naibigay para sa Pilipinas para sa disaster response, preparedness at recovery.