-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Estados Unidos na mapapanagot sa batas si Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy kaugnay pa rin sa patong-patong na mga kasong kinakaharap ng mga ito lalo na sa Amerika.

Sa isang statement ay sinabi ng Embahada ng Estados Unidos sa Maynila na naniniwala itong haharapin ni Quiboloy ang hustisya para sa mga karumaldumal na krimen na kinasasangkutan niya.

Ito sa gitna ng mahigit isang dekada nang pagkakasangkot ng naturang self-proclaimed son of God sa mga kasong may kaugnayan sa serious human rights abuses, kabilang na ang pattern ng systemic at pervasive rape sa mga batang babae na may edad na 11 taong gulang.

Matatandaang kabilang si Quiboloy sa Most Wanted List ng Federal Bureau of Investigation dahilan ng patuloy na pagtugis sa kaniya ng otoridad hindi lamang dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa Estados Unidos.

Magugunita rin na una nang Itinanggi ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang umano’y alegasyon na mayroon itong $2 million na pabuya para sa ikadarakip ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy at ng kaniyang 2 associates na kasalukuyang wanted sa Estados Unidos dahil sa patung-patong na kaso.

Sa ngayon ay nahaharap si Pastor Quiboloy, sa 43 bilang ng magkakaibang kaso sa US na kinabibilangan naman ng conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, and coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at bulk cash smuggling.