Inanunsiyo ni US Commerce Secretary Gina Raimondo na mahigit $1 bilyong halaga ng pamumuhunan ang papasok sa bansa mula sa 22 American companies.
Matatandaan na dumating sa bansa kahapon si Raimondo na naguna sa high level officials ng US Presidential Trade and Investment Mission na nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr at sa Philippine economic team.
Si Raimondo ang kumatawan kay US President Joe Biden na naglalayong magkaroon ng matatag na trade relations ang PH at Amerika.
Sa mahigit isang bilyong dolyar na halaga ng mga pamumuhunan ng US ay kabilang ang paglikha ng mga educational opportunities sa mahigit 30 milyong Pilipino.
Gayundin sa interes sa mas mataas na sahod sa trabaho, sa telekomunikasyon, sa digitization para matulungan ang mga maliliit at medium-sized na mga kumpanya na mag-digitize.
Ilan sa mga kumpanyang sumama sa trade mission at nakatakdang maginvest sa Pilipinas ay ang FedEx, UPS, United Airlines, Mastercard, VISA, Microsoft, at Google.
Sinabi ni Raimondo na marami sa mga kumpanyang ito, lalo na ang mga tech firm, ay maglulunsad ng mga programa sa pagsasanay sa cybersecurity, artificial intelligence at iba pa.
Makakatulong din ito sa sektor ng semiconductor sa Pilipinas, gayundin sa pagpapalakas ng turismo sa pamamagitan ng pagdaragdag ng route map ng Cebu to United States Airlines na maaaring makalikha ng libu-libong bagong trabaho.
Samantala, nakatakdang makipagkita si Raimondo sa grupo ng mga negosyante ngayong araw bago bumalik ng Amerika.