Inakusahan ng Pilipinas ang ilang Chinese fishermen ng paggamit ng cyanide sa karagatan ng Spratly Islands, partikular sa Ayungin Shoal, na matagal nang pinagtatalunan.
Ayon sa National Security Council (NSC), nagsimula umano ang naturang gawain noong nakaraang taon sa paligid ng Second Thomas Shoal, isang lugar na mahalaga sa shipping lanes at mayaman sa likas na yaman.
Sinabi ni NSC Assistant Director General Cornelio Valencia na ang paggamit ng cyanide ay isang uri ng “sabotage” na naglalayong puksain ang mga isda sa lugar, na nagsisilbing pagkain ng mga sundalong Pilipino na naka-deploy sa BRP Sierra Madre.
Dagdag pa niya, maaari ring malagay sa panganib ang kalusugan ng mga sundalo dahil sa kontaminadong tubig at pagkain, at maaari ring masira ang coral reefs na sumusuporta sa naturang barko.
Ayon naman sa Philippine Navy, nasamsam nila ang hindi bababa sa 10 bote ng cyanide mula sa mga bangkang iniuugnay sa Chinese fishing vessels noong 2025. Mayroon ding naiulat na panibagong insidente kamakailan kung saan umano’y nakita ang paggamit ng cyanide sa lugar.
Wala namang naiulat na sundalong Pilipino na naapektuhan ng naturang lason.
Ipinahayag din ng mga opisyal na ang mga mother ships ng mga mangingisdang sangkot ay umano’y konektado sa Chinese Navy.
Plano ng pamahalaan na magsumite ng ulat sa Department of Foreign Affairs na maaaring maging basehan ng diplomatic protest laban sa China.
Mariin namang itinanggi ng China ang akusasyon at tinawag itong “stunt,” sinasabing normal lamang ang pangingisda ng kanilang mga bangka at sila pa umano ang hina-harass ng mga Pilipino doon.
Samantala, pinaigting na rin ang pagbabantay ng Philippine Navy at Coast Guard sa lugar upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa kapaligiran at mapanatili ang seguridad sa naturang teritoryo.
















