-- Advertisements --

Binigyang-diin ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairperson at Manila Rep. Joel Chua na mahigpit na sinusunod ng Kamara de Representantes ang tamang proseso ng impeachment na itinakda ng Konstitusyon at ng Korte Suprema. 

Ayon kay Chua, dumaan sa malinaw na hakbang ang mga reklamo kabilang ang pagsusuri sa basehan nito, pagbibigay ng pagkakataon sa inaakusahan na sumagot, at pagtatakda ng mga hearing para sa paglilinaw ng mga isyu.

Ipinaliwanag ni Chua na ang kasalukuyang pamamaraan ay alinsunod sa kagustuhan ng Korte Suprema na igalang ang karapatan ng inaakusahan at tiyaking patas ang imbestigasyon. 

Iginiit niya na hindi maaaring dumaan sa shortcut ang proseso at dapat itong manatiling maayos at ayon sa batas.

Matatandaang binanggit ni Chua na may mga naunang pagkukulang sa proseso na naging pabor sa respondent sa mga nakaraang legal na laban. 

Nilinaw niya na hindi ito nangangahulugang walang kaso kundi nagkaroon lamang ng teknikal na pagkukulang na tinatama na ngayon ng Kamara.

Dahil tinutugunan na ng mga mambabatas ang mga nasabing gaps o pagkukulang, naniniwala si Chua na wala nang dahilan upang pigilan pa ang paggulong ng kaso. Binigyang-diin ng mambabatas na ang kasalukuyang proceedings ay nakasandig sa katarungan at due process upang mabigyan ng sapat na pagkakataon ang magkabilang panig na mapakinggan.