-- Advertisements --

Kinumpirma ng state weather bureau na ang dating Low Pressure Area (LPA 04a) ay lumakas na at naging tropical storm sa loob ng kanilang monitoring domain.

Ang bagyo, na bibigyan ng lokal na pangalan na “Caloy” kapag tuluyang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay may international name na Sinlaku, at namataan sa layong humigit-kumulang 2,700 kilometro sa silangan ng Northeastern Mindanao.

May maximum sustained winds itong 65 kilometro kada oras at bugso na umaabot sa 70 kilometro kada oras.

Kumikilos ito ng pakanluran sa bilis na 10 kph.

Ayon sa ulat, mababa ang posibilidad na mag-landfall ang bagyo sa kalupaan ng Pilipinas dahil sa inaasahang northward trajectory nito, ngunit maaari pa rin itong magdulot ng malalakas na alon sa silangang bahagi ng bansa na posibleng makaapekto sa pangingisda at shipping routes.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga susunod na advisory at maging handa sa posibleng pagbabago ng direksyon at lakas ng bagyo.

Sa kasalukuyan, nananatiling partly cloudy to cloudy skies na may isolated rainshowers o thunderstorms ang lagay ng panahon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, dulot ng localized thunderstorms.