Nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na itigil na tinawag niyang “walang saysay na digmaan” sa Middle East sa kanyang mensahe para sa Pasko ng Pagkabuhay.
Sa kanyang pahayag, nakiisa ang Cardinal sa panawagan ni Pope Leo XIV para sa kapayapaan sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Iran, Estados Unidos, at Israel na nagsimula nitong nakaraang buwan.
Ayon kay Advincula, ang Pasko ng Pagkabuhay ay isang “di-marahas na pakikipaglaban laban sa poot.”
Binigyang-diin niya na habang nayayanig ang lupa ng mga drone at missile, ang muling pagkabuhay ni Hesus ang tunay na balitang kailangan ng mundo upang wakasan ang pagdurusa at pagkawasak.
“Let us not diminish the Resurrection of the Lord to mere sentimentality and routine greetings… It is a call to resistance – to push back against the forces that ruthlessly seek to bury our joy and our future,” pahayag ni Archbishop Advincula
Idinagdag pa ng Arsobispo na ang Easter ay isang tawag sa paglaban sa mga puwersang nagnanais na “ilibing ang ating kagalakan at kinabukasan.”
Hinimok din ng Arsobispo ang mga Pilipino na tanggihan ang tinatawag na “globalisasyon ng kawalan ng malasakit” (globalization of indifference) at ang tila normalisasyon ng genocide sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Matatandaang sa kanyang homilya noong Biyernes Santo, binigyang-diin din ng Cardinal ang epekto ng sigalot sa Middle East sa mga Pilipino, partikular na sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at sa pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Nagtapos ang Cardinal sa isang panalangin na magsilbi sanang pagkakataon ang panahong ito upang “igulong ang mga bato” ng pang-aapi at salubungin ang bagong araw ng pag-asa.
“Let us not waste the sacrifice and offering of Jesus on the cross… May our celebration of this Easter Season be an opportune time for all of us to roll away the stones that have long oppressed us and to welcome the new day of hope that the Lord has created for us,” pahayag ni Archbishop Advincula.
















