Hinimok ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president Archbishop Gilbert Garcera ang mga lider ng simbahan na magsagawa ng prayer vigil sa Sabado, Abril 11, bilang tugon sa panawagan ni Pope Leo XIV na ipanalangin ang kapayapaan sa buong mundo.
Ang panawagan ay kasabay ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang babala ni US President Donald Trump kaugnay ng isyu sa Strait of Hormuz.
Ayon sa Arsobispo, layunin ng sama-samang panalangin, tulad ng Santo Rosaryo, Misa para sa Kapayapaan, at Eucharistic Adoration, na palakasin ang pagkakaisa, diyalogo, at hindi paggamit ng karahasan sa gitna ng mga sigalot.
Binigyang-diin din ng CBCP President ang ganitong hakbang ay pagpapakita ng pakikiisa sa Santo Papa at pananalig na mananaig sa buong mundo ang kapayapaang nagmumula kay Kristo.















