-- Advertisements --

Isang handwritten letter mula kay Ramil Madriaga, isang umaming “bagman” ni Vice President Sara Duterte, ang nagsasabing may plano umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte na alisin sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ipalit si VP Sara pagsapit ng taong 2025.

Ayon sa ulat, ang sulat ay may petsang April 11, 2026. Sa naturang dokumento, inilalarawan ang umano’y mga pagpupulong noong November 2021 kung saan tinalakay ang pagpapahintulot sa pagtakbo ni Marcos Jr. bilang pangulo ngunit kalaunan ay aalisin ito sa puwesto.

Dagdag pa rito, nakasaad din umano sa sulat na may plano ring palitan si Marcos “sa anumang paraan,” at si Sara ang posibleng umupo bilang Pangulo, na maaari pa ring tumakbo sa 2028 presidential elections.

Inilalarawan din sa dokumento ang umano’y senaryo ng kaguluhan, kabilang ang mass resignations, malawakang protesta, pag-atake sa Malacañang, at posibleng kudeta na kinasasangkutan ng mga mobilisadong grupo at indibidwal.

Binanggit din na si Madriaga umano ay naatasang mag-recruit ng mga grupo kabilang ang mga kriminal at sindikato upang magdulot ng kaguluhan na magpapadali sa pagbabago ng pamahalaan.

Sa kabilang banda sa pagdinig ng House impeachment inquiry, kung saan tatanungin ng mga mambabatas si Madriaga tungkol sa kanyang mga pahayag.

Iginiit ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon na dapat manatiling nakatuon lamang ang imbestigasyon sa mga alegasyong may kinalaman sa impeachment at hindi sa mga usaping hindi direktang kaugnay nito.

Bukas naman ang Bombo Radyo sa panig ng kampo ni VP Sara para sa mga akusasyon ng umano’y dating bagman.