-- Advertisements --

Iginiit ng Estados Unidos na bukas pa rin ang Strait of Hormuz, taliwas sa anunsiyo ng Iran na ito ay sarado sa gitna ng mga panibagong palitan ng pag-atake sa magkabilang panig.

Matatandaang muling sumidhi ang labanan noong nakalipas na linggo matapos sabihin ng Amerika na tinamaan nito ang mahigit 140 targets sa Iran.

Tugon umano ang mga pag-atake sa pagpunterya ng pwersa ng Iran sa barkong dumaraan sa Strait of Hormuz, na gumagamit umano ng hindi awtorisadong ruta.

Nitong Linggo, pilit na iginigiit ng Iran ang kontrol nito sa naturang lagusan at inanunsiyong sarado hanggang sa maglabas ng karagdagang notice.

Naglunsad din ang Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran ng malawakang pag-atake sa mga base militar ng US habang sinabi naman ng United Arab Emirates, Qatar, Kuwait, Oman at Bahrain na kanilang tinugunan ang missile at drone strikes mula sa Iran.

Sa kabila ng panibagong mga serye ng pag-atake, sinabi ni US President Donald Trump na ipagpapatuloy ang mga diyalogo at susubukan ng mga mediator na buhayin ang peace process.