Nagbabala si US General Mark Milley, chairman of the Joint Chiefs of Staff, na maaring maging panganib sa US sa loob ng isang taon ang pananatili ng mga al-Qaeda terrorist na nasa Afghanistan.
Sinabi nito na hindi pa nabubuwag ang pakikipag-alyansa ng al-Qaeda sa Taliban na responsable noong September 11, 2001 terror attack.
Iniimbestigahan kasi siya kasama si Defense Secretary Lloyd ng Kongreso tungkol sa usapin ng pagtanggal ng US ng mga sundalo nila sa Afghanistan.
Inamin ng dalawa na nagulat sila sa mabilis na pagbagsak ng gobyerno at ang pagkontrol kaagad ng mga Taliban militants.
Inirerekomenda rin ni US Central Command head General Kenneth McKenzie na dapat nag-iwan pa ang US ng mga nasa 2,500 sundalo sa Afghanistan.
Taong 2001 ng pumasok ang US sa Afghanistan ilang araw matapos ang 9/11 attack kung saan aabot sa mahigit 11,000 na sundalo ang itinalaga sa lugar.
Nagkakahalaga ng $985 bilyon ang nagastos ng US dahil sa paglalagay nila ng puwersa doon.
Sa panig naman ni US Defense Secretary Lloyd Austin sinabi nito na nasayang aniya ang mga itinuro nila sa mga Afghans ng mga pakikipaglaban dahil sa biglang bumagsak ang kanilang gobyerno nang sakupin sila ng Taliban militants.
Hindi na aniya dapat pagsisihan ang ginawang pagtanggal ng mga sundalo ng US sa Afghanistan dahil naiparating din ng tama ng US ang tunay na mensahe sa mahigit na 20 taon na pananatili nila sa Afghanistan.
Sa kasagsagan ng pagpapalikas ng mga Afghans at mga US troops ay naging hindi perpekto kahit na umabot sa 23 mga flights kada araw ang isinagawa para sa mabilisang paglikas.