Inanunsiyo ng Bureau of Immigration (BI) na papayagan na nilang makabalik sa kanilang bansa ang mga American citizens na paso ang kanilang mga pasaporte bago at pagkatapos ng Enero 1, 2020.
Base sa memorandum order na inisyu ni Immigration Commissioner Jaime Morente, binigyan nito ng otoridad ang mga BI personnel na nakadestino sa iba’t ibang ports para payagan ang pag-alis ng mga pasaherong paso na ang mga US passport mula Enero 1 hanggang December 31 noong nakaraang taon.
Sinabi ni Morente na ang may mga pasong pasaporte ng mga papaalis ng American citizens ay epektibo lamang hanggang sa Disyembre 31 ngayong taon.
Nagbigay din ng direktiba ang BI chief sa tourist visa section ng BI at ang alien registration division na iproseso ang lahat ng mga applications para sa pag-update ng emigration clearance certificates (ECC) ng mga holders ng expired US passports sa sandaling ipapakita na ang banyaga ang kanyang ticket pa papunta ito sa USA.
Sa isang statement, sinabi rin ni Morente na ang memorandum ay bilang tugon sa sulat na natanggap ng BI mula sa US embassy sa Manila.
Kaugnay pa rin daw ito ng pagnanais na ng mga US citizens na stranded sa Pilipinas dahil sa pandemic na hindi pa rin makaalis dahil nagpaso na ang kanilang mga pasaporte.
Ang naturang sulat ay ipinadala rin uman ng US embassy sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Nakasaad umano sa sulat na nag-isyu ng guidance ang US State Department para payagan ang mga mamamayan nilang bumalik sa Estados Unidos gamit ang kanilang mga pasong pasaporte hanggang sa katapusan ngayong taon.
“Because of the request from the US Embassy, in principle, passports that expired from January 1, 2020 up to the end of 2021 are considered valid and extended, hence they may be allowed to depart. But this rule applies only to departing passengers. Those who are planning to remain here or convert their visas still need to present a valid passport,” ani Morente.
Sa kabila nito, nakasaad naman sa sulat na available pa rin naman ang passport services ng US embassy sa Maynila at hinikayat nila ang mga US citizens na magpa-renew ng kanilang pasaporte bago umalis sa Pilipinas kapag may oras na silang pumunta sa embahada.