Magtutulungan ang gobyerno ng Estados Unidos at Department of Transportation para magsagawa ng isang feasibility study na target na mapahusay pa ang water traffic management ng bansa at malabanan ang signal jamming sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ito ay sa pamamagitan ng implementasyon ng Vessel Traffic Management System (VTMS) na ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista ay magpapataas pa sa kamalayan at koordinasyon ng maritime traffic para matugunan ang maritime safety issues.
Sa tulong ng Vessel Traffic Management System, mapagsasama-sama ang mga datos at impormasyong makakalap ng advanced sensors kabilang ang radar, automatic identification systems at very high frequency radios para makabuo ng kumpletong image ng maritime environment para sa epektibong traffic management and communication.
Mahalaga din ang VTMS hindi lamang para sa pamamahala ng sea traffic kundi magpapalakas din ito sa maritime capabilities ng Philippine Coast Guard (PCG).
Paliwanag pa ni Sec. Bautista na inaasahang magpapataas sa efficiency ng maritime traffic ang VTMS sa mga pangunahing waterways at mga daungan at magbibigay ng aktibong monitoring at navigational information para sa mga sasakyang pandagat.
Ibinunyag din ng kalihim na nangako ang US government sa pamamagitan ng US embassy na tutulungan ang DOTr na pumili ng consultant na magsasagawa ng feasibility study na popondohan ng US sa pamamagitan ng $1million grant.
Matatandaan, una ng kinumpirma ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na naobserbahan nila sa kasagsagan ng rotational deployments ng mga barko ng PCG at BFAR noong Pebrero sa Bajo de Masinloc na may mga pagkakataon na gumagamit ng signal jamming ang CCG o hinaharang ang automatic identification signals (AIS) ng barko ng BFAR na BRP Datu Sanday na magsusuplay noon ng langis at iba pang suplay para sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.