Bumisita sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija si US Army Pacific commander (USARPAC) Gen. Charles Flynn para personal kamustahin ang pamunuan ng Philippine Army’s 7th Infantry Division (7ID), Aviation Regiment, at 1st Brigade Combat Team (1BCT).
Si Gen. Flynn ay malugod na tinanggap ni 7ID commander Maj. Gen. Andrew Costelo, Army Aviation Regiment Commander Col. Andre B. Santos, at 1BCT Deputy Commander Col. Jose Vladimir Cagara.
Una nang inihayag ni Gen. Flynn sa kanyang pakikipagpulong kay Philippine Army commanding General Lt. Gen. Romeo Brawner noong Lunes na handa ang USARPAC na tulungan ang Phil. Army sa pag-develop ng kanilang Brigade Combat Team, Aviation Regiment, at training centers.
Ang pagbisita ng Amerikanong heneral ay sa gitna ng paghahanda para sa pagdaraos ng taunang pagsasanay ng USARPAC at Phil. Army na binansagang “SALAKNIB” sa Marso 5 hanggang 24, 2022 sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon.
Ang Fort Magsaysay ang nagsisilbing Combat Readiness Training Area ng Philippine Army, at madalas gamitin para sa mga pinagsanib na ehersisyo ng US at Philippine military.