Ibinasura ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) noong Miyerkules ang apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa naunang desisyon na kumilala sa hurisdiksyon ng hukuman sa kanyang kaso.
Ayon sa desisyon na binasa ni Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza, tinanggihan ng Appeals Chamber ang lahat ng apat na grounds of appeal ng depensa. Dahil dito, itinuring ding “moot” ang kahilingan para sa agarang at walang kondisyong pagpapalaya kay Duterte.
“Having rejected the entire appeal, the Appeals Chamber considers that the defense’s request for the immediate and unconditional release of Mr. Duterte is moot,” bahagi ng desisyon.
Sa kabuuan, kinumpirma rin ng hukuman ang naunang ruling ng Pre-Trial Chamber I na may hurisdiksyon ang ICC sa kaso.
Hindi dumalo si Duterte sa pagdinig matapos hilingin na i-waive ang kanyang presensya, kung saan kinatawan siya ng kanyang mga abogado.
Matatandaang una nang tinanggihan ng Pre-Trial Chamber I ang pagtutol ng kampo ni Duterte sa hurisdiksyon ng ICC, sa pagsasabing nagsimula ang imbestigasyon bago pa pormal na kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute.
Sa panig ng depensa, iginiit ng kanyang legal team na walang sapat na batayan para ipagpatuloy ang kaso at hiniling din ang agarang pagpapalaya sa dating pangulo.
Samantala, ayon sa ICC Assistant to Counsel na si Kristina Conti, magpapatuloy ang proseso sa Pre-Trial Chamber I at inaasahang lalabas ang susunod na desisyon sa Abril 28, 2026 kung itutuloy ang paglilitis sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng administrasyon ni Duterte.
















