-- Advertisements --

Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panibagong bawas-presyo sa mga produktong petrolyo na inaasahang ipatutupad ngayong linggo, kung saan tinatayang bababa ang diesel ng halos Php 24.94 kada litro, habang Php 3.41 naman sa gasolina at Php 2.00 sa kerosene.

Kapag ipinatupad na ang naturang bawas-presyo, nasa Php 107.40 kada litro ang diesel, habang Php 92.20 naman ang posibleng presyo ng gasolina. Samantalang ang kerosene ay posibleng umabot na lang sa Php 138.87.

Sinabi ng Pangulo na mas malaki ang rollback na ito kumpara sa naunang bawas-presyo at inaasahang magbibigay ng ginhawa sa publiko. Kasabay nito, hinimok niya ang mga oil companies na ipatupad nang buo, tama, at walang pagkaantala ang mga rollback sa presyo ng langis.

Ito na ang ikalawang sunod na linggo ng rollback matapos ang serye ng pagtaas ng presyo kasunod ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran noong Pebrero na nakaapekto sa oil prices.

Hinimok din niya ang publiko na ireport sa Office of the President at Department of Energy (DOE) ang anumang paglabag kaugnay ng implementasyon ng presyo upang agad na maaksyunan.

Samantala, ipinagpatuloy ng pamahalaan ang ilang hakbang para makatulong sa sektor ng transportasyon, kabilang ang Php 10 fuel subsidy sa mga public utility vehicle (PUV) driver at ang Service Contracting Program.

Nagpatupad din ang Department of Transportation at Land Transportation Office ng tatlong buwang extension sa validity ng driver’s license, student permit, conductor’s license, at rehistro ng sasakyan na mag-e-expire ngayong Abril 2026. Wala ring ipapataw na multa o surcharge sa loob ng extension period.

Ayon sa Pangulo, layunin ng mga hakbang na ito na mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa kabuhayan ng mga Pilipino.