Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang pagpapanatili sa katatagan at kalayaan ng Indo-Pacific Region ay isa sa mga pangunahing target sa muling pag-arangkada ng Balikatan Exercises 2026.
Ngayong araw, April 20, nagsimula na muli ang pinakamalaking military simulation sa bansa na nilahukan ng mahigit 17,000 military personnel mula sa iba’t-ibang mga bansa.
Ayon kay AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, isa sa mga layunin ng malaking military exercises ay ang masigurong manatiling matatag ang rehiyon sa tulong ng nagkakaisang mga pwersa mula sa mga iba’t-ibang bansa na pangunahing nakahanay o nasa loob ng naturang rehiyon.
Patunay dito aniya ang pakikilahok ng mga naturang bansa tulad ng Japan, Canada, Australia, at New Zealand na pawang mga bansang nasa ilalim ng Indo-Pacific Region.
Kaakibat nito ang pagsasanay sa ilang katubigan ng naturang rehiyon tulad ng mga karagatan malapit sa Taiwan Strait at sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay Padilla, nakahanda na ang assets ng mga kalahok na bansa para magsagawa ng iba’t-ibang military simulation – ilan dito ay nakatakdang isagawa sa maritime domain ng Pilipinas.
Sa kabilang banda, hanggang 17 iba pang bansa ang makikibahagi sa international observer program ng 41st iteration ng Exercise Balikatan.
Ito naman ang unang pagkakataon na magdedeploy ang Japan ng daan-daang mga sundalo dito sa Pilipinas mula noong World War II.
















