-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Naniniwala ang Boracay Inter-Agency Rehabilitation and Management Group (BIARMG) na dala ng habagat ang paglitaw ng sangkaterbang jellyfish sa tabing dagat ng Isla ng Boracay noong Sabado ng hapon.

Paliwanag ni BIARMG General Manager Martin Despi, papuntang white beach ang direksyon ng hangin kaya’t inanod at nagkumpulan sa dalampasigan ang mga maliliit na dikya.

Sa kabilang daku, sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Aklan, kadalasang makikita sa baybayin ng probinsiya ang mga dikya tuwing buwan ng Mayo hanggang Setyembre.

Samantala, pinag-aaralan na ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources kung anong uri ng dikya ang naispatan noong Sabado na agad na nawala kinaumagahan ng Linggo.

Layunin nitong matukoy ang panahon ng paglitaw ng mga ito.

Pinawi ng mga eksperto ang pangamba ng publiko dahil ang mga napadpad na dikya na kasinglaki ng hinlalaki ay hindi umano nakakalason ngunit maaring magdulot ng pangangati o allergy.