Kinalampag ngayon ng Panay Electric Company (PECO) ang Court of Appeals (CA) para aksiyunan na ang kanilang hirit na temporary restraining order (TRO) laban sa More Electric and Power Corporation (More) Power.
Ito ay sa pamamagitan ng urgent motion to resolve TRO ng PECO.
Ayon kay PECO Legal Counsel Atty. Estrella Elamparo, isinampa nila ang mosyon kasunod na rin ng kautusan ng Iloilo Regional Trial Court (RTC) na dapat ituloy ng PECO ang operasyon nito.
Sinabi ni Elamparo na nakasaad sa ruling ng Iloilo court na taliwas sa kautusan nito ang ginawang pag-take over ng More sa mga pasilidad nito.
Nilinaw aniya ng Iloilo RTC sa desisyon nitong dapat ang pag-take over at mahigpit na sumunod sa addendum.
Ang nakasaad sa addendum ay ang pagpapatuloy ng operasyon ng PECO.
Umaasa ang PECO na maipatutupad nila sa lalong madaling panahon ang court order mula sa Iloilo RTC.
Dahil dito, iginiit ni Elamparo na hindi pa tapos ang laban at premature pa ang pagdiriwang ng More.
Samantala, nagbabala din ang (PECO) sa posibilidad ng malawakang brownout sa Iloilo kasunod ng iligal na pag-take over umano ng More sa mga pasilidad ng PECO.
Ayon kay Marcel Cacho, head ng Public Engagement and Government Affairs ng PECO, maliban sa mga brownout ay asahan rin ang pagtaas umano ng singil sa kuryente sa Iloilo.
Iginiit ni Cacho na ang ipinamamahaging kuryente ngayon ng MORE ay binili pa umano ng PECO pero ang MORE ang nakikinabang dahil sila ang naniningil sa mga consumer.
Dagdag pa ni Cacho marami na ring consumer ang nalilito sa sitwasyon dahil pinalitan rin ng MORE ang mga metro ng kuryente ng walang paalam mula sa consumer.
Kinuwestiyon naman ni Atty. Estrella Elamparo, abogado ng PECO ang pagbibigay ng CPCN ng ERC sa More gayong wala naman itong sapat na kakayahan at expertise para maging powe distributor.
Ang mga tauhan na sinasabi ng More ay mga dating tauhan rin umano ng PECO na napirata nila.
Pero ang problema raw ay mga contractual employees ng PECO ang nakuha nila na kulang sa expertise.
Sa motion for reconsideration na inihain ng PECO sa ERC hiniling nila sa bawiin nito ang provisional authority na ibinigay sa More Power at ibalik ang kanilang CPCN para patuloy na makapanatili bilang power distributor sa Iloilo.
Ang legal battle sa pagitan ng dalawang power firm ay nagsimula matapos mapaso ang prangkisa ng PECO noong 2019 at ibigay ito ng Kongreso sa More Power.
Pero para maging smooth ang transition, nag-isyu ang ERC ng CPCN sa PECO.