Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may mga ospital na silang inihahanda para magsilbing pasilidad sa mga patients under investigation at pasyenteng infected ng sakit na COVID-19.
Sa press briefieng ng Inter-Agency Task Force sa Malacanang, inamin ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na kabilang sa kanilang tinututukan ngayon ang Philippine General Hospital sa Maynila, Philippine Lung Center sa Quezon City at Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan.
“UP-PGH already agreed to become our COVID-19 hospital. They are slowly transitioning para magamit sila in the coming days specifically for COVID-19 cases. Ang iba pang ospital gaya ng Lung Center may dedicated wing para sa mga kasong ito.”
“Ina-assess na rin natin ngayon yung ating N. Jose Rodriguez Hospital sa Caloocan para maging ospital din specific for COVID-19 cases.”
“Kapag nangyari ito mas-spread out yung ating mga kaso, mapupunta na lahat sa COVID-19 hospitals natin at made-decongest ang ibang ospital para tanggapin naman nila yung mga non-COVID-19 (patients).”
Sa kasalukuyan, 380 ang bilang ng mga PUI sa buong bansa batay sa latest data ng Health department.
Ang mga patients under monitoring naman ay nasa halos 5,000 pero lahat sila ay naka-home quarantine.
Sa mga ospital naman, pinaka-maraming positive patient ang naka-admit sa The Medical City na may 30, at Research Institute for Tropical Medicine na may 26.