-- Advertisements --

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Department of Agriculture (DA) matapos umanong mabigo sa pagli-liquidate ng pondong inilaan para sa implementing agencies at non-government organizations nito.

Batay sa annual audit report ng COA, hindi naisama ng DA ang liquidation report ng halos P5-milyon mula sa P5.17-bilyong budget na inilaan nito sa mga ahensya at organisasyon.

Bukod dito, may halos P17-bilyon na halaga rin ng pondo na hindi nali-liquidate ng DA mula sa mga nakalipas na taon.

“Of the said amount, P4,883,115,478.07 or 85.45 percent of the funds transferred were not liquidated. Also, P16,568,896,584.06 or 69.68 percent of prior year’s balance of ₱23,778,426,602.69 were still unliquidated.”

Nakasaad sa report ang ginawang disbursement ng DA para national government agencies na P2.15-bilyon; local government units na P1.69-bilyon; government-owned and controlled corporations na may P1.32-bilyon; NGOs sa halos P500-milyon at regional offices sa P60-mlyon.

Ayon sa COA, responsibilidad ng DA na i-require ang mga tumanggap ng pondo na maghain ng liquidation report para malaman kung magkano ang nagastos at naiwan mula sa mga ito.

Pinayuhan ng state auditors ang kagawaran na bumuo ng mas epektibong paaran na tututok sa paghahain ng liquidation reports.