-- Advertisements --

Matapos ang opisyal na paglulungsad ng United National Leaders for Advancement and Democracy-Pinas (UNLAD-Pinas) sa Calapan, Oriental Mindoro noong Marso 10 ay patuloy itong lumalawak at dumarami ang mga miyembro sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon sa buong bansa.

Ang UNLAD-Pinas ay isang inisyatiba na layong bumuo ng plataporma para sa mga dayalogo at diskusyon ukol sa mahahalagang isyung pang nasyunal at lokal.

Layon din nitong patatagin ang pagkaka-isa at ugnayan ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang sektor.

Pinangunahan ni House Deputy Secretary General Ponyong Gabonada, na siyang lead ng secretariat ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, ang pagsusulong ng UNLAD-Pinas. Binigyang-diin ni Gabonada ang kahalagahan na maibahagi ng mga eksperto at mga stakeholders ang kanilang mga kaalaman at pananaw sa iba’t ibang isyu.

Nabigyang daan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ang pagkakaroon ng isang plataporma para sa dayalogo na naghihikayat sa mga indibidwal na tuklasin ang mga bagong pananaw at yakapin ang pagbabago. Sa pamamagitan nito ay inilalatag ang pundasyon para sa isang mas inklusibo at patas na lipunan kung saan ang lahat ng boses ay naririnig at pinahahalagahan.

Ang programang “UNLAD Pinas” ay isang kampanya at kilusang adbokasiya na naglalayong pagyamanin ang malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa nasyonalismo at pagtaguyod sa bansa ng bawat Pilipino.

Ang UNLAD Pinas ay tumatayo bilang simbolo ng pag-asa at pagkaka-isa sa Pilipinas, upang mapalalim ang nasyonalismo at aktibong pakikilahok ng mga Pilipino sa pagpapaunlad ng bansa.

Isa si Dr. Ederson Tapia, dekano ng College of Continuing Advancement and Professional Studies ng University of Makati sa mga nagbahagi ng kanyang kadalubhasaan sa pagpapalakas ng mga lider ng komunidad.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Marilou De Leon, isang 56-anyos na kinatawan mula sa sektor ng kababaihan sa pagbibigay ng pagkakataon na katawanin ang mga kababaihan.

Sa ikalawang sigwada ng programa sa Butuan nitong Marso 23, inilatag ni Dean Cecilio Duka, isa sa mga nangungunang legal luminary at may-akda sa Constitutional Law, ang kanyang mga pananaw sa pangangailangan ng amyenda sa Saligang Batas at ang mga kinakailangang reporma para makasabay ang Pilipinas sa globalisasyon.

Malaki rin ang ambag ng civil society dahil sa kanilang suporta kung saan hinahayaan ang mga indibidwal na pamunuan ang kanilang sarili upang magkaroon sila ng kakayahang kontrolin ang kanilang kapaligiran.

Dito inilahad ni Lorimar Vilan, 67-taong gulang mula sa sektor ng senior citizen ang kanyang saloobin tungkol sa panukalang amyenda sa Saligang Batas.

Pangunahing nilalayon ng UNLAD PINAS ang pagka makabansa, aktibong pakikibahagi sa pagtataguyod ng lipunan at pagsusulong ng transformational leadership.

Kinikilala ng UNLAD PINAS ang papel ng pamumuno sa paghubog at direksyon ng lipunan.

Nais nitong linangin ang transformational leadership qualities sa mga indibidwal na nasa posisyon ng otoridad at impluwensya.

Sa pamamagitan ng mga leadership development initiatives, mentorship programs, at capacity-building activities, inaasahan ng UNLAD PINAS na magkaroon ng bagong henerasyon ng mga pinuno na determinado sa pagtutulak ng positibong pagbabago para sa ikabubuti ng lahat.