-- Advertisements --

Kinondena ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang makakaliwang grupo na Anakpawis matapos na hindi sumunod ang ilang volunteers nito sa patakaran sa enhanced community quarantine makaraang mamahagi ng relief goods sa Norzagaray, Bulacan.

Iginiit ni DILG spokesperson Jonathan Malaya na sinuman ay hindi pinapahintulutan na lumabas ng bahay maliban na lamang kung bibili ng pagkain, gamot at kung mayroong medical emergencies.

Inilagay lamang aniya ng Anakpawis sa peligro ang buhay ng mga taga-Bulacan dahil sa “propaganda stunt” na ito.

Bukod dito, pinuna rin ni Malaya ang pagpapakita ng “unauthorized” food pass ng grupo sa windshield ng jeep na nagdala ng relief goods sa Bulacan.

Ginamit din aniya ng mga volunteers ang pangalan ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao para sa tangkang makalusot sa checkpoints.

Dahil dito, kakasuhan aniya ng DILG ang mga sangkot dito kabilang na si Casilao at anim na volunteers.

Inaresto ang mga ito kahapon dahil sa paglabag umano sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.