Nabenta sa halagang P21 million ang unang edisyon ng El Filibusterismo ni Dr. José Rizal sa ginanap na Asian Cultural Council Auction noong Pebrero 14 sa Leon Gallery.
Dahil dito, hawak na ng naturang kopya ang rekord bilang pinakamahal na aklat na naibenta sa bansa.
Ang makasaysayang aklat ay nagmula sa koleksiyon ni Trinidad Pardo de Tavera, isang manggagamot, historyador, at politiko noong panahon ng kolonyalismong Espanyol.
Makikita sa loob ng aklat ang ex-libris na “T.H. Pardo de Tavera” at selyo ng kanyang pangalan sa pahina ng pamagat.
Higit pang nagpataas sa halaga nito ang sulat-kamay na dedikasyon ni Rizal na “A mi querido amigo el doctor T.H. Pardo de Tavera, Jose Rizal, Gante, 16 / IX 1891.”

Ang El Filibusterismo ay karugtong ng Noli Me Tángere. Kung sa Noli ay inilalarawan si Crisóstomo Ibarra bilang isang idealistang naniniwala sa reporma, sa Fili naman ay nagbalik siya bilang si Simoun—isang mayamang alahero o nagbebenta ng alahas na may lihim na planong paghihiganti laban sa kolonyal na pamahalaan.
Ayon kay Lisa Guerrero Nakpil, curator ng Leon Gallery, masasalamin sa nobela ang mabibigat na pinagdaanan ni Rizal noong panahong iyon. Noong 1890, kinumpiska ng mga awtoridad ng Espanya ang lupain ng pamilya Rizal sa Calamba at ipinatapon ang kanyang ama at kapatid sa Mindoro. Sa parehong taon, napangasawa ng kanyang kasintahang si Leonor Rivera ang isang Ingles na si Henry Charles Kipping matapos umanong itago ng ina nito ang mga liham ni Rizal.
PAGSUBOK NI RIZAL NANG MALIMBAG ANG LIBRO
Natapos ni Rizal ang manuscript noong Abril 1891 ngunit kinailangan pa niyang magsakripisyo upang mailimbag ito. Sa mga liham niya kay José María Basa, ikinuwento niyang lumipat siya mula Paris patungong Ghent, Belgium upang makahanap ng mas murang palimbagan.
Nakipagkasundo siya sa Boekdrukkerij F. Meyer-Van Loo para sa hulugang bayad. Nanirahan siya sa isang inuupahang silid kasama ang kapwa Pilipinong estudyante na si José Alejandrino. Ayon kay Nakpil, minsan ay tsaa at biskwit lamang ang kanilang pagkain habang inaayos ang mga pahina ng aklat. Nang maubos ang pondo, tinulungan siya ng kaibigang si Valentin Ventura.
ALAY KAY GOMBURZA
Hindi man kasing dami ng kopya ng Noli, naging mas matindi naman ang mensahe ng Fili laban sa kolonyal na pamahalaan. Naglalaman din kasi ito ng mensahe mula sa kaibigan ni Rizal na si Ferdinand Blumentritt tungkol sa paglaganap ng diwa ng “filibusterismo” sa bansa.
Ang nobela ay inialay ni Rizal sa tatlong paring martir na kilala bilang Gomburza (Mariano Gomez, José Burgos, at Jacinto Zamora) na binitay noong 1872.
Mahigit isang siglo matapos itong mailathala, nananatiling makapangyarihang simbolo ng kasaysayan at pakikibaka ng mga Pilipino ang El Filibusterismo at ngayon, isa na rin itong rekord sa larangan ng panitikan at sining sa bansa.












