-- Advertisements --

Ikinaalarma ngayon ng nakararami ang inilabas na report ng United Nations sa di-umano’y pagpapaigting pa ng North Korea sa kanilang nuclear program.

Batay sa pagsisiyasat ng UN, napag-alaman umano nito na mas pinaliliit pa ng North Korea ang kanilang nuclear device upang magkasya sa warheads ng ballistic missiles.

Inilahad ang interim report na ito ng mga eksperto matapos ang anim na buwang imbestigasyon sa UN Security Council’s North Korea sanctions committee noong Lunes.

Patuloy din umanong gumagawa ang North ng highly enriched uranium at nagsasagawa rin ito ng experimental light water reactor.

Bago ito ay inaral na ng Japan noong nakaraang taon ang ginagawa ng North Korea sa kanilang nuclear weapons.

Hindi naman nakasaad sa naturang report ng UN kung ang dini-develop ng North na nuclear warheads ay para sa intercontinental ballistic missiles. Kakailanganin kasi nito ng mataas na lebel ng teknolohiya kaysa sa short at medium range-ballistic missiles.

Wala ring impormasyon kung anong klase ng missile ang mga naturang nuclear devices.