-- Advertisements --

Nagbabala ang United Nations na ang naganap na pagpapasabog umano ng Russia sa isang napakalaking dam sa Ukraine, ay magkakaroon din ng malubhang pinsala hindi lamang sa mismong lugar ngunit lalung lalo na para sa mga residenteng kinailangang lumikas.

Binigyang diin ni UN aid chief Martin Griffiths na ang laki ng sakuna sa Kakhovka dam sa southern Ukraine ay magiging malinaw lamang ang halaga ng pinsala sa mga darating na araw.

Una na rito, libu-libo ang lumikas sa mga binahang bahay sa lugar na isang aktibong war zone.

Ayon sa mga awtoridad, may mga pangamba na maaaring tumaas pa ang lebel ng tubig na nagmumula sa dam.

Ayon sa Kyiv ang panibagong atake na ito ng russia ay isang pagtatangka ng Moscow na hadlangan ang pinahihintay nitong opensiba na una nang iginiit ni Ukraine President Volodymyr Zelensky na hinding hindi maaapektuhan.

Kung matatandaan, una nang nagsagawa ng emergency meeting ang UN Security Council kasunod ng kahilingan mula sa Russia at Ukraine upang talakayin ang nagpapatuloy na labanan.