Hihiling ang United Nations ng $3.1 bilyon sa susunod na linggo upang pondohan ang ibibigay na tulong sa Ukraine ngayong taon.
Sinabi ni Edem Wosornu, direktor ng Operations and Advocacy Division ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA) sa Security Council sa New York ito habang nagpapatuloy at mas umiigting pa ang digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon sa UN, hinihimok nito ang lahat ng mga donor na muling kumilos at tulungan ang mga tao sa Ukraine.
Idinagdag din ng opisyal na ang UN response plan para sa 2024 na ilulunsad ng Office for the Coordination of Humanitarian Affairs sa Geneva kasama ang UN refugee agency ay naglalayong makalikom ng $3.1 bilyon upang tulungan ang 8.5 milyong tao sa Ukraine.
Sinabi ng Office for the Coordination of Humanitarian Affairs na higit sa 14.6 milyong katao o 40% ng populasyon ng Ukraine ang mangangailangan ng tulong ngayong taon dahil sa malawakang pagsalakay ng Russia.
Nagbunsod din ang labanan sa paglikas ng humigit-kumulang 6.3 milyong tao patungo sa ibang mga bansa para sa kanilang kaligtasan.