Hinimok ni United Nations (UN) Secretary-General Antonio Guterres ang mga world leader na mamuhunan sa pag-unlad at maayos na pagbabago at hindi sa destruksyon, pagsira.
Kasabay ng pagpasok ng bagong taon aniya, nananatili sa crossroads ang buong mundo at napapalibutan ang bawat isa ng pagkakawatak-watak, karahasan, climate breakdown, at sistematikong paglabag sa international law.
Maraming katao aniya ang nagtatanong kung nakikinig pa ba ang mga lider ng bawat bansa at kung handa ang mga ito na tumugon sa mga kasalukuyang problema.
Tinukoy din nito ang mahigit 1/4 ng lahat ng mga tao sa buong mundo na naninirahan sa conflict-affected areas kung saan mahigit 200 million katao ang nangangailangan ng humanitarian assistance habang mahigit 120 million ang pwersahang na-displace dahil sa giyera, kalamidad, atbpang krisis.
Dahil dito, nanawagan ang UN chief ng pagtutulungan para umiral ang kapayapaan.
Malinaw aniya na may sapat na resources ang buong mundo para i-angat ang kalidad ng buhay ng bawat isa at gamutin ang anumang problema na mayroon ang mundo.
Kailangan lamang aniya ng mga lider at ng lahat ng mga mamamayan na magseryoso, magtulungan, at gawin ang kani-kanilang papel.
Ngayong bagong taon, kailangan aniyang manindigan ng bawat isa, upang matugunan ang mga kasalukuyang problema at matigil na ang mga problema, tulad ng mga giyera, epidemiya, at iba pa.
















