Binuweltahan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang umiiral na jeepney at UV Express ban sa Metro Manila.
Naniniwala si Brosas na ginagamit lamang ng pamahalaan ang COVID-19 pandemic para ipatupad ang PUV modernization program.
“Huwag nang gamitin ang health alibi para gutumin pa lalo ang mga tsuper ng dyip, na karamihan ngayon nga ay namamalimos na,” ani Brosas.
Sa ngayon, tanging amga modern public utility vehicles pa lamang ang pinahihintulutan na makabalik sa kanilang operasyon makalipas ang ilang buwang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Brosas, hindi pabor ang modern PUVs sa mga manggagawa at mananakay dahil sa mas mataas aniya ang pamasahe na sinisingil ng mga ito.
Bukod dito, mapanganib din aniya sa kalusugan ng tao ang aircon-type models dahil kulob ang hangin sa loob.
Iginiit ng kongresista na 75,000 jeepney drivers ang nasa peligro na mawalan ng ruta sa Metro Manila dahil kontrolado na ng mga modern PUVs ang mga pangunahing kalsada sa rehiyon.
Sa halip na palawigin pa ang ban sa mga jeepneys, inirekominda ni Brosas na tulungan ng pamahalaan ang mga drivers at operators para ma-modernize ang kanilang jeepney units.
“Based on the feedback of drivers, they have no problems in modernizing their units and installing health devices in their units. But they need government assistance to do this, aside from the cash aid which has been denied to most of them,” saad nito.