Naniniwala ang Ukraine military na ang withdrawal ng Russia sa military operations nito sa kabisera ng Kyiv at Chernihiv ay posibleng rotation lamang ng individual units na layong ilihis ang liderato ng Ukraine military at lumikha ng misconception sa kanilang deployment.
Ito ay kasunod ng pangako ng Moscow na pagbabawas ng military operations sa dalawang kabisera ng Ukraine para mapalakas ang mutual trust ng dalawang bansa matapos ang pag-uusap sa pagitan ng mga negotiators sa Istanbul, Turkey.
Ayon naman sa General Staff ng Ukraine’s Armed Forces, patuloy ang pagkilos ng Russian units papalayo ng Kyiv at Chernihiv.
Nauna na ring sinabi ng Russia na kanila ng ipopokus ang kanilang operasyon sa eastern Donbas region.
Subalit sa isang video address, sinabi ni Ukrainian President Zelensky na nakikita aniya ang panganib at hindi aniya dapat na maging basehan para pagkatiwalaan ang salita mula sa mga kinatawan ng Russia na patuloy na umaatake para sirain ang kanilang bansa.
Hindi rin aniya walang muwang ang mamamayan ng Ukraine.
Matuto na aniya sila sa 34 na araw na invasion at maging sa nakalipas na walong taon na giyera sa Donbas.
Iginiit ni Zelensky na ang tanging mapagkakatiwalaan aniya ay ang konkretong resulta.
Maging ang western leaders ay hindi rin kumbinsido sa pangako ng Russia.
Kabilang ang mga leader ng UK, France, Germany at italy ang naghikayat sa West na manatiling alerto laban sa Russia.
Nagkasundo ang mga ito na hindi sila magpapakampante kasunod ng pangako ng Russia hanggang sa hindi natatapso ang giyera sa ukraine.