Naniniwala si Senadora Imee Marcos na nanggagaling sa loob ang umano’y planong destabilisasyon laban sa administrasyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi ni Senadora Marcos na nagkausap na sila ng kanyang kapatid sa umano’y destabilization plot at hindi masyado aniyang naniniwala ang pangulo ukol rito.
Pinayuhan ng mambabatas si pangulong Marcos patungkol sa destabilization plot at nagbabala sa mga nagpaplano ng mga hakbang laban sa kasalukuyang administrasyon.
Giit ni Senadora Marcos, mahirap magalit ang punong ehekutibo kaya naman magdahan-dahan aniya ang mga nagpa-plano sa umuugong na destabilization.
Magugunitang, ibinasura ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga ulat ng destabilization plot, gaya ng mga claims sa mga post sa social media, laban sa administrasyong Marcos.
Pinabulaanan din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ama ni VIce President Sara Duterte, ang mga pahayag na palihim siyang nakikipagpulong sa ilang pulis, sundalo, at pulitiko sa gitna ng mga bulung-bulungan sa destabilisasyon.