Inihayag ng Department of Education (DepEd) na ang umano’y overpriced na camera na nag-viral sa social media nitong nakaraang buwan ay ibinigay ng Local Government Unit.
Ayon kay Department of Education Spokesperson Michael Poa, natunton ng Departamento ang tinanggal na post ng photojournalist na si Jhun Dantes, at ibinahagi ng account ng isang Renato Reyes, ang isang Canon 1500D camera na may nakalakip na sticker ng Department of Education na nagsasaad ng acquisition cost na P155,929, bilang ari-arian ng Schools Division Office (SDO) ng Imus City.
Aniya, ang naturang camera ay ibinigay ng Local Government Unit sa Schools Division Office at walang partisipasyon o involvement ang kagawaran sa procurement process ng subject cameras.
Nanawagan si Poa sa mga netizens na mag-ingat sa kanilang mga post para matiyak na walang maling impormasyon na ipapalaganap sa publiko.
Samantala, sinabi ni Poa na ang Department of Education ay “welcome” at “handa” na tumanggap ng opisyal na ulat ng Blue Ribbon Committee mula sa Senado.
Ito’y matapos na makita noong huling bahagi ng Enero ang proyekto ng procurement ng laptop noong 2021 ay overpriced ng at least P979 million.
Ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng DepEd, ayon sa rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ay ire-refer sa Office of the Solicitor General (OSG) para sa pagsusuri at kaukulang aksyon.
Dagdag ni Poa, may mga nakabinbing administrative case laban sa isang empleyado ng naturang kagawaran na sangkot sa procurement.
Una na rito, gumawa ang DepEd ng hiwalay at stand-alone strand para magfocus din sa nasabing procurement ukol sa laptop issue.