NAGA CITY – Huli sa isinagawang drug buy bust operation ang dalawang lalaki kasama na rito ang isang dating sundalo sa Barangay Penafrancia, Naga City.

Kinilala ang mga suspek na sina Renato Saulon, residente ng nasabing lugar, at si Jose Laurza na taga-Brgy. San Vicente, Bato, Camarines Sur na isa umanong AWOL na sundalo.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga, nakuha sa mga suspek ang isang bulto at apat na small transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Kasama rito ang P500 na marked money at perang nagkakahalaga ng P11,800 na ayon kay Laurza ay pambayad daw sana sa ospital kung saan naka-confine ang ina ng kanyang misis.

Depensa ni Laurza tumungo lamang siya sa lungsod upang magbenta ng manok kay Saulon at itinitanggi ang pagkakasangkot sa droga.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Naga kay P/Maj. Ariel Blanco, station commander ng PNP Station 3, kinumpirma nito na target lang sana ng operasyon ay si Saulon ngunit nataun umanong nandoon rin si Laurza na ayon sa imbestigasyon ay naharap na rin sa kasong may kaugnayan sa droga.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang nasabing mga suspek na mahaharap na sa kaukulang kaso.