Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang ulat na nakasuot ng face mask ang mga police operatives na nag-operate sa Negros Oriental.
Base ito sa pahayag ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate na naka-face mask ang mga pulis na nagkasa ng operasyon na ikinasawi ng 14 na indibidwal na umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA).
Sa panayam kay PNP chief, sinabi nito na hindi dapat naka-face mask ang mga pulis dahil may bitbit ang mga ito na search warrant.
Aniya, lalabas din sa kanilang imbestigasyon kung may irregularity na ginawa ang mga operatiba at kung may lapses sa kanilang hanay.
Pinamamadali na rin ni Albayalde sa Internal Affairs Service ang resulta ng imbestigasyon sa Negros Oriental operation.
Una nang sinibak sa puwesto ang provincial director at tatlong chief of police ng Negros Oriental para bigyang daan ang impartial investigation.