CENTRAL MINDANAO – Apat na umano ang nasawi sa pinaniniwalaang diarrhea outbreak sa isang barangay sa probinsya ng Cotabato.
Ito mismo ang kinumpirma ng nagngangalang Jasimen Aliman, residente ng Barangay Manaulanan sa bayan ng Pikit.
Kaugnay nito, halos punuan na ng pasyente na nagmula pa sa Barangay Manaulanan Pikit, ang Deseret Hospital at Albutra Hospital sa Kabacan, Cotabato.
Karamihan sa mga biktima ay nakakaranas ng pagtatae, pagkahilo at lagnat.
Marami ang naniniwala na kontaminado ng maruming tubig ang iniinom ng mga biktima mula sa bomba (jetmatic) at balon.
Kamakailan lang kasi nang binaha ang Pikit at posibleng pinasok ng dumi ang pinagkukunan ng tubig ng mga residente na iniinom nila at ginagamit sa pagluluto.
Nanawagan si Aliman sa tanggapan ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Municipal Health Office ng Pikit na sila’y matulungan sa kasalukuyang sitwasyon.
















