Wala pang nakikitang pangangailangan sa ngayon ang Philippine National Police (PNP) para magtaas ng alerto.
Ito’y sa gitna pa rin ng intelligence report ng Armed Forces of the Philippines-Northern Luzon Command na may posibleng pagsalakay ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Laoag City, Vigan City, Manaoag, Pangasinan; at Tuguegarao City.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, biniberipika pa nila ang mga impormasyon mula sa ground hinggil sa plano ng teroristang grupo at magtataas lamang sila ng alerto sa sandaling makumpirma ito.
Sinabi ni Albayalde, batid nila na target ng teroristang grupo ang mga simbahan kapag sila ay umaatake kaya magpapatupad na rin sila ng “target hardening measures” sa Northern Luzon at maging sa buong bansa.
Kasama sa gagawin ng PNP ang pagpapaigting sa Oplan Sita, pagiging aktibo sa checkpoints at police visibility sa mga lugar na nabanggit sa memo.
Inatasan na rin ng PNP chief ang lahat ng kanilang mga tauhan hindi lang sa Northern Luzon, kundi sa iba pang bahagi ng bansa na maging alerto.
“Well it depends. Sa amin wala pa. It will be validated jointly. If need be then pwede kaming magtaas ng alert status kung may makita tayo na may basehan yung information na ‘yan. Well as of this time alam naman natin na ISIS are really targeting mga churches dahil what happened in Sulu. Talagang ‘yan na ang medyo tinatarget nila ngayon dahil ‘yan ang pinakamatao and gusto kasi nilang mag-create sila ng away dito between our brother Muslims and the Catholics or even Christians. Isa ‘yan kaya huwag tayo magpadala dyan kasi ‘yan ang gusto nila na mag away,” ani Albayalde.