-- Advertisements --

Siniyasat at mahigpit nang binabantayan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga ulat hinggil sa umano’y mga bagong istruktura sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).

Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., nananatiling “dynamic” o mabilis magbago ang sitwasyon sa rehiyon.

Bagamat maliliit pa lamang ang mga aktibidad doon, patuloy ang pagsubaybay ng panig ng bansa.

Matatandaang mula pa noong 2012, hawak na o nasa ilalim ng kontrol ng China ang shoal sa kabila pa ng 2016 ruling, kung saan pinawalang-bisa ng Permanent Court of Arbitration ang malawakang “9-dash line” claim ng China.

Idineklara rin ang shoal bilang isang traditional fishing ground na dapat malayang napapasok ng mga mangingisda.

Matatagpuan ang shoal sa may 124 nautical miles mula sa Zambales, malinaw na nasa loob ng 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.