Paiimbestigahan ni Senador Sherwin Gatchalian ang umano’y alegasyon ng katiwalian laban sa pamunuan ng Bureau of Immigration (BI).
Nanawagan si Gatchalian para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng polisiya kontra sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), lalo na sa aspekto ng pagpapa-deport sa mga dayuhang nauugnay sa industriya.
“Ang maling pagpapatupad ng polisiya kontra sa POGO, lalo na sa pagpapakulong at pagpapa-deport ng mga dayuhang sangkot sa POGO, ay maaaring lumikha ng butas sa ating mga patakaran at magbigay-daan sa patuloy na operasyon ng mga masasamang POGO operators,” ani Gatchalian, na naghain ng Senate Resolution No. 1381.
Iginiit ng senador na siyang nanguna sa adbokasiyang alisin ang POGO operations sa bansa, na ang maling proseso ng deportasyon sa mga banyagang nauugnay sa POGO ay maaaring magresulta sa kanilang pag-iwas sa pananagutan.
Kamakailan lamang, ilang empleyado ng BI ang nagpadala ng liham sa Pangulo na nagsasaad ng umano’y pag-abuso sa kapangyarihan ng isang mataas na opisyal ng BI, kabilang ang pagpapabilis ng piyansa para sa mga dayuhang konektado sa POGO, pati na rin ang mga makapangyarihang personalidad sa industriya.
Ayon pa sa mga empleyado, may lumitaw na bagong modus operandi na naglalayong ibenta ang permanent quota visas sa pinakamataas na bidder.
“Kailangan nating ituwid ang katiwalian sa ahensyang inaasahang nagpapatupad ng batas at punan ang pagkukulang sa ating mga regulasyon,” pagtatapos ni Gatchalian.