CAUAYAN CITY- Nasa 90% hanggang 95% na ang hospital utilization rate ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na bagamat hindi pa punuan ang kanilang pagamutan ay punuan na ang kanilang Intensive Care Units ( ICU ) at nasa 100% na ang utilization rate.
Ayon kay Dr. Baggao 40% ng mga pasyenteng nasa ICU ay unvaccinated at senior citizen na may comorbidity.
Ang naturang bilang ay nakakalungkot dahil sa kabila ng kanilang pagsisiskap na mabakunahan ang vulnerable sector tulad ng mga senior citizen at may comorbidity ay marami pa rin ang hindi nababakunahan.
Dahil dito ay muli nilang hinihikayat ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19 dahil tuloy tuloy pa rin ang pagbabakuna nila sa kanilang mga health worker gayundin sa kanilang pamilya.
Kaugnay nito ay pumalo na sa mahigit 200 ang bilang ng mga COVID-19 patient ang nasa pangangalaga ng CVMC pagpasok pa lamang ng buwan ng Oktubre.
Ayon kay Dr. Baggao, noong mga nakaraang araw ay nakaranas sila ng pagbaba ng admission gayunman pagpasok ng buwan ng Oktubre ay umakyat na sa 209 ang kanilang pasyente.
Sa naturang bilang 203 ang kumpirmadong positibo sa virus habang 6 naman ang suspect cases.
Sa kasalukuyan mataas pa rin ang kaso mula sa Cagayan na may 165 at kung saan pinakamarami parin ang naitala sa Lunsod ng Tuguegarao na sinundan ng mga bayan ng Baggao at Iguig.
Nasa 27 kaso naman ng COVID 19 ang naitala sa Isabela.