-- Advertisements --
DPWH QI BED COVID FACILITY 1
IMAGE | The modular hospital at Quezon Institute will be operational by tomorrow/DPWH Sec. Mark Villar, Facebook

MANILA – Nakatakdang magbukas ng “triage facility” ang pamahalaan sa mga komunidad ng National Capital Region (NCR) bilang tugon sa napupuno ng kapasidad ng mga ospital sa parehong COVID-19 at non-COVID patients.

“Ang nangyayari kasi ngayon kapag ang public nagkakasakit sila, na-expose, nagkakaroon ng panic, dumi-diretso agad sa ospital. It should not be the case,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Its going to be functional… this week para hindi naguguluhan yung publiko kung saan pupunta kapag sila ay may sintomas.”

Ayon sa tagapagsalita ng Department of Health (DOH), itinatayo na ng local government units sa Metro Manila ang naturang pasilidad, may kapasidad na 247-beds.

Magkakatuwang daw dito ang DOH, One Hospital Command, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Interior and Local Government.

“This is (a) layer that we are trying to include into the structure. Puputulin nation yung structure na yung from home to LGU, straight to the hospital.”

“Lalagyan natin ng midway where patients can be assessed and local government health officials ang magdi-direct sa if the patient needs quarantine facility only or in need of a hospital.”

Ayon kay Vergeire, maglalaan sila ng mga ambulansya para madaling maihahatid ang mga pasyente.

Sa ngayon sa National Capital Region pa lang daw ilulunsad ang triage facilities sa komunidad.

“We’ll be having meeting with officials of Region 3 and Region 4A to set up this kind system and dapat siyempre sa buong bansa dapat mangyari ito.”

Pinaalalahanan ng DOH ang local government units na magtakda ng hotline para alam ng komunidad kung sino ang tatawagan o kakausapin sakaling may mangailangan ng atensyong medikal.

Sa huling tala ng Health department, 41% ng mga pasyenteng naka-admit sa mga ospital ay mild at asymptomatic cases.

Ito’y kahit may protocol na dapat mga severe at critical cases ang nasa pagamutan.

“We’ll start to extract them and bring sa mga naitala at dinadagdagan pa sanang beds from local governments.”

Bukod sa triage facility, pumayag na raw ang Department of Education na ipagamit ang ilang pampublikong paaralan bilang quarantine facility.

Magtatayo rin umano ng tent sa mga ospital ang Health department para mapalakas ang kapasidad ng pasilidad sa mga pasyente.

“May walo ng makakatanggap nitong tents na ito para ma-extend yung beds doon sa mga ospital even with these beds for the mean time.”

Ilang ospital na sa Metro Manila ang nag-deklara ng “full capacity” bago mag-Semana Santa.

Batay sa datos ng DOH, as of April 5, 79% ng ICU beds sa NCR ang okupado. Nasa 72% naman ng COVID-19 isolation beds at 60% ng ward beds ang may naka-admit na pasyente.

Hinihimok ng ahensya ang publiko na tangkilikin ang “telemedicine” platforms para maiwasan din ang pagsugod sa mga ospital.