Umaabot na sa 67 ang mga namatay, nasa mahigit 30 ang mga sugatan, habang nasa 11 ang nawawala sa nangyaring pagbaha at landslide sa tatlong bayan ng Maguindanao del Norte.
Ito ang inilabas na huling datos ng Bangsamoro Government’s Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi-BARMM).
Matinding pinsala ng bagyong Paeng ang tinamo ng bayan ng North Upi, Datu Blah Sinsuat at Datu Odin Sinsuat.
Ayon sa ilang mga residente na nakaligtas, biglang gumuho ang bundok at rumagasa pa ang baha kaya marami ang nasawi.
Matindi rin ang pinsala sa mga alagang hayop, ari-arian at pananim ng mga residente.
Una na ring inamin sa Bombo Radyo ni Atty Sinarimbo na nangangamba sila na madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil may mga barangays ang hindi pa napapasok ng READI-BARMM rescue unit kabilang ang mga nawawala.
Sinabi pa ni Sinarimbo sa Bombo Radyo na 11 munisipyo ang apektado kabilang ang siyudad ng Cotabato kung saan 90 percent ng mga barangays sa siyudad ang lubog sa tubig baha.
Ang mga munisipyo naman na apektado ng flash flood ay ang Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Parang, Cotabato, Datu Odin Sinsuat, Datu Blah Sinsuat, Upi, South Upi, Northern Kabuntalan, Guinulungan at Matanog.
Iniulat din ng opisyal na kabilang sa isinasagawa ang search and retrieval operations ay sa Barangay Kusiong na umano’y “na-wash out” o natabunan ng tubig baha.
Ang Barangay Kusiong ay matatagpuan sa paanan ng Mount Minandar.
Samantala inatasan na rin ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central commander Major General Roy Galido ang kanyang mga ground commanders na puspusang tumulong sa mga apektadong bayan sa hagupit ni bagyong Paeng.
Nagdagdag pa ng pwersa ang 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army na tumutulong sa rescue, search and retrieval operation sa mga bayan ng Maguindanao del Norte, Cotabato City at North Cotabato na grabeng sinalanta ng bagyong paeng.