Binigyan ng ultimatum ni PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF) chief Police Colonel Romeo Caramat ang tatlong pulis na nakatakas sa isinagawa nilang operasyon kaninang umaga.

Ang tatlong pulis ng Pasay ay sangkot umano sa pagdukot at pangongotong sa isang drug suspek.

Modus ng grupo na kikilan ang kanilang biktima kapalit ng kalayaan nito.

Una rito, arestado sa operasyon ng PNP-CITF si Police Corporal Anwar Nasser nakatalaga sa Police Station 1 ng Pasay City Police Office.

Nakatakas naman ang tatlong kasamahan ni Nasser na kinilalang sina Police Lieutenant Ronaldo Frades, hepe ng Station 1 Drug Enforcement Unit, Patrolman Anthony Fernandez at Police Sergeant Rigor Octaviano.

Binigyan ni Caramat hanggang ngayong araw para sumuko ang tatlong pulis.

“May tatlong nakatakas. Itong mga kasamahan namin na nakatakas, you have until today to surrender, or else bahala na ang Diyos sa inyo,” pahayag pa ni Caramat.

Dismayado naman ang PNP na may mga pulis pa rin ang sangkot sa mga iligal na aktibidad.

Samantala, binalaan din ni NCRPO chief Major Gen. Guillermo Eleazar ang mga kasabwat ni  Nasser na sumuko na lamang kung hindi idedeklarang AWOL ang mga ito.

“You have no place in the PNP for you have betrayed the public’s thrust by engaging in illegal operations,” ani Eleazar.

Hinimok naman ng heneral ang iba pang mga biktima na lumantad at maghain ng reklamo.