Galit na tinutulan ng Ukraine ang apela ni Pope Francis na makipag-areglo sa Russia sa gitna ng 2 taon ng invasion.
Sa halip, nangako ang Ukraine na hindi kailanman ito susuko matapos sabihin ng Santo Papa na dapat magkaroon ito ng tapang para itaas ang white flag.
Ayon pa kay Ukrainian Foreign Minister Dmytro Kuleba ang bandila na mayroon sila ay dilaw at asul na kanilang isasabuhay, ikakamatay at mananaig at hindi magtataas ng ibang watawat.
Ikinumpara naman ng mga opisyal ng Ukraine ang naging pahayag ni Pope Francis sa ilang Simbahang katolika na nakikipagsabwatan umano sa Nazi Germany noong World War II at sinabihan ang Santo Papa na iwasang maulit ang pagkakamali sa nakaraan.
Pinaghambing din ni Ukrainian ambassador to the Vatican, Andrii Yurash,ang rekomendasyong pakikipag-ayos ng Santo Papa sa pakikipag-usap umano sa diktador ng Germany na si Adolf Hitler.
Ang matatapang na pahayag na ito ng mga opisyal ng Ukraine ay kasunod ng naging panayam sa Santo Papa kung saan idinulog nito ang prospect ng surrender o pagsuko. Inihayag din ni Pope Francis na naniniwala siyang ang pinakamalakas ay ang mga nagsasaalang-alang ng sitwasyon, iniisip ang kapakanan ng mamamayan at mayroong lakas ng loob na itaas ang white flag at makipag-ayos.
Ngunit ayon sa Vatican officials, ang panawagan ng Santo Papa ay naglalayon lamang na mawaksan na ang giyera sa pagitan ng 2 bansa.