MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa ring naitatalang kaso ng UK variant ng COVID-19 virus sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga ulat na nakapasok na sa bansa ang sinasabing mas nakakahawang anyo ng SARS-CoV-2 o virus na nagdudulot ng COVID-19, na unang kumalat sa United Kingdom.
“This is to clarify that as of January 2, 2021, the Philippine Genome Center has not detected the UK variant in the country,” batay sa anunsyo ng DOH.
Ayon sa kagawaran, simula Lunes, January 4, 2021, ay diretso na sa proseso ng genome sequencing ang RT-PCR positive samples ng mga biyaherong galing sa mga bansang may kaso ng UK variant.
Tiniyak ng Health department na mahigpit ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para maipatupad ang mahigpit na magbabantay sa entry points ng bansa.
“Rest assured that the DOH is working with relevant agencies to ensure that stricter measures of control are being implemented in all ports of entry.”
Hinimok naman ng ahensya ang publiko na panatilihin ang pagsunod sa minimum public health standards, na siyang pinaka-epektibong paraan laban sa ano mang pagbabago ng anyo ng virus.
“We urge everyone to keep practicing the minimum public health standards — the only universally effective protocol against any mutation, variant, or strain.”