Ilang Vietnamese ngayon ang natatakot na baka kasama umano ang kanilang mga kamag-anak sa 39 na bangkay na natagpuan sa loob ng isang refrigerated container truck sa Britain noong nakaraang linggo.

Ayon sa mga ito, hinala nila na pineke ng kanilang mga kamag-anak ang kanilang mga passports at idineklara na sila ay Chinese upang makapasok sa bansa.

Una nang kinumpirma ng Biritish police na Chinese nationals ang mga katawan na natagpuan nila sa naturang truck sa industrial park.

Pagdedeklara ng VietHome, Britain-based community group, umabot na sa 20 katao ang inirereport na nawawala mula Vietnam.

Ayon pa rito, naglalaro sa edad na 15-45 anyos ang mga hinihinalang biktima.

Isa ang Vietnam sa popular na pinanggagalingan ng mga smuggled migrants na nais lamang mapabuti ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa United Kingdom.

Apat na katao naman ang inaresto na ng mga pulis na pinaniniwalaang may koneksyon umano sa pagpatay sa 31 lalaki at walong babae.

Dahil din sa insidente ay muling nabuhay ang usapin ng human trafficking sa naturang bansa.