-- Advertisements --

CEBU CITY – Ikinatuwa ng National Task Force COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr. ang pagkakaisa ng local government units sa Cebu at pribadong sektor sa isang matinding laban sa coronavirus pandemic.

Ito ay matapos na bumisita sa Cebu si Galvez upang alamin ang kalagayan lalawigan matapos na umabot sa higit 2,000 ang naitalang bilang ng COVID-19 cases dito.

Sa virtual presser ng Inter-agency Task Force (IATF), sinabi ni Galvez na maganda ang ugnayan ng LGUs sa Cebu at pribadong sektor hinggil sa pagpapatupad ng mga hakbang laban sa nakamamatay na virus.

Ikinatuwa rin ni Galvez ang naganap na strategic rapid testing sa mga malalaking lungsod sa Cebu.

Pinuri rin nito ang paghahandang ginagawa ng provincial government para sa posibleng second wave ng COVID-19 cases sa pamamagitan nang pagpapalakas sa kapasidad ng testing.