-- Advertisements --

Inanunsiyo ngayon ng United Arab Emirates (UAE) na ipagpapatuloy ng mga ito ang pag-isyu ng visa sa lahat ng mga turistang fully vaccinated na ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Isang buwan ito matapos ang pag-host ng Dubai sa na-delay na Expo 2020 trade fair.

Ang naturang hakbang ay kasunod na rin ng pagbaba na ng coronavirus infections sa oil-rich Gulf country.

Noong nakaraang linggo ay nakapagtala na lamang ang naturang bansa ng mas mababa sa 1,000 kaso ng covid kada araw.

Ang desisyon ng UAE na muling buksan ang kanilang bansa ay para raw sa lahat ng mga turista sa buong mundo.

Ito ay para na rin sa pagbangon at pagpapalakas ng ekonomiya ng naturang rehiyon.

Inanunsiyo naman ng UAE na ang mga eligible sa pag-isyu ng visa ay ang mga turistang bakunado ng COVID-19 vaccines na aprubado ng World Health Organization (WHO) kabilang na ang AstraZeneca, Johnson & Johnson, Moderna, Pfizer/BioNTech, Sinopharm at Sinovac.

Pero pagdating raw ng mga turista doon ay mandatory pa rin ang PCR test sa airport.

Ang UAE ay kinabibilangan ng pitong emirates kabilang ang capital na Abu Dhabi at Dubai.