-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Unti-unti nang naibabalik ng task force na binuo ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association, Incorporated (PHILRECA) ang tustos ng kuryente sa bahagi ng Albay at Catanduanes na sinalanta ng bagyong Rolly.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PHILRECA Partylist Representative Presly De Jesus sinabi niya na labis na napinsala ng Bagyong Rolly ang bahagi ng Albay at 45% na ang naibalik sa tustos ng kuryente.

Hinihintay na lamang nila na humupa na ang tubig baha sa ilang bahagi ng Albay upang ganap nang maibalik ang tustos ng kuryente.

Nasa 35% naman ng supply ng kuryente ang naibalik na sa bahagi ng Catanduanes at tuloy-tuloy ang mga kasapi ng task force sa pagkukumpuni sa mga backbone ng mga primary lines.

Puntirya ng PHILRECA na tuluyang maibalik ang tustos ng kuryente sa Catanduanes bago ang December 15, 2020 at sa December 10, 2020 naman sa Albay.

Aniya, dahil sa tradisyon ng mga Pilipinong pagdiriwang ng pasko ay nais ng PHILRECA na bago sumapit ang simbang gabi ay may magagamit nang ilaw ang mga residenteng magtutungo sa simbahan.