BAGUIO CITY – Naitala ng Philippine Military Academy (PMA) ang mas mababa sa 50% na turnout sa mga aspiring cadets na nag-report para sa susunod na hakbang ng kanilang aplikasyon sa akademya.
Una rito, inihayag ng PMA na 1,629 examinees ang nakapasa sa PMA Entrance Examination na isinagawa noong nakaraang August 25 para sa mga most qualified candidates na bubuo ng PMA Class of 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Captain Cherryl Tindog, public information officer ng PMA, sinabi niya na naiintindihan ng akademya ang nararamdamang takot ng mga magulang na dahilan kung bakit kakaunti ngayon ang mga aspiring cadets ang nagpatuloy sa proseso.
Maaalalang maraming magulang ang nagsabing hindi nila papayagan ang kanilang mga anak na pumasok sa PMA kasunod ng paglabas ng balitang pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing na nangyari sa loob ng akademya.
Sinabi ni Capt. Tindog na nabigyan ng extension ang mga nakapasang applicants, pero nabigong sumailalim sa Complete Physical Examination sa V. Luna General Hospital, Quezon City.
Nilinaw nito na ang mga nakapasang applicants na gustong ituloy ang pagkakadete ngunit lumampas na ang araw ng nakatakda nilang physical exams ay puwede pa ring magtungo sa V. Luna General Hospital.
Sabihin lang daw ng mga nasabing kadete na kasama sila sa mga nakapasa para sila ay sasailalim sa Complete Physical Examination.
Sasailalim ang mga successful applicants sa serye ng pagsusulit bago ang pagpili sa mga aspiring cadets na bubuo sa PMA Class of 2024 na nakatakdang mag-report sa PMA sa June 1, 2020, para sa Oath-Taking and Reception Ceremony na magmamarka sa pagsisimula ng kanilang 4-year cadet training.
Umapela pa ito sa publiko na bigyan ang akademya ng isa pang pagkakataon para patunayan ang kanilang seriousness sa kanilang commitment na magsagawa ng positibong pagbabago sa loob ng akademya at sa mga kadete.










