-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tiwala si Aklan Governor Florencio Miraflores na makakabawi ang turismo ng Boracay sa muling pagbubukas nito sa banyagang turista.

Ito ay kasunod ng mababang tourist arrival sa isla kumpara noong wala pang pandemya dala ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ayon kay Miraflores, hindi magtatagal at babalik na sa normal ang lahat sa harap ng nagpapatuloy na mass vaccination laban sa nakamamatay na sakit.

Simula Marso 1 hanggang Marso 14, umaabot na sa 10,708 na local tourist ang bumisita sa Boracay o may average na 700 hanggang 1,000 per day.

Ngunit malayo pa rin umano ang naturang bilang mula sa prepandemic average na daily arrival na 4,000 bawat araw.

Inaasahang lalo pang tataas ang bilang ng mga turista ngayong summer season at sa pagluwag ng travel restrictions sa mga dayuhang turista mula Korea at China.

Pina-ikli rin ang curfew sa isla simula noong Pebrero 26 sa tatlong oras lamang upang makahikayat pa ng mga turista.